Tandaan: Sa pasingko-singko, may piso. Sa papiso-piso, may isang libo!

Summer Negosyo!

Posted: March 20th, 2012 | Author: | Filed under: (01) PeraTips, (03) Negosyo, Negosyo sa Tag-init | No Comments »

Summer-fever is here! Kaliwa’t kanan na ang plano para sa inyong summer vacation. Pero naisip mo rin bang opportunity ng panahong ito para kumita? Pakinggan ang ilang ideas para sa mga napapanahong bisnes ngayong tag-init!

Part 1:

Part 2:

FEBC Downloads Link:

http://febc.ph/


Networking Business! Oooooows?!?

Posted: March 6th, 2012 | Author: | Filed under: (01) PeraTips, (02) Liham ng Taga-pakinig, (03) Negosyo, (06) OFW Remittance, (10) Wise Investments, Networking Business | Tags: | 5 Comments »

Naimbitahan ka na ba na dumalo sa mga networking business? Iniisip mo ba na sumali dito? Ooooops, teka, basahin at usisain mo muna ang mga posibilidad ng iyong pagsali. Nitong linggo ay nakatanggap ako ng liham mula kay Bro.Joey ng Riyadh, KSA. Ansabi niya:

Ask ko lang po kung totoo ba na lahat ng mga networking business eh scams…di po ba dapat makijoin ang mga Christians sa business na ganito. thanks !

Bro Joey, salamat sa iyong tanong.

Ang sagot ko ay batay sa masamang karanasan ng maraming taong nakapanayam ko na nasama sa mga multi-level marketing at networking businesses.

Sa aking palagay dapat mag-ingat ang mga Cristiano sa mga negosyong ganyan.  Sabi ni Jesus, “Isinusugo ko kayo na tulad ng mga tupa sa gitna ng mga asong gubat. Kaya maging matalino kayong tulad ng ahas subalit inosenteng tulad ng kalapati.” (Mateo 10:16)

Ang anumang “negosyo kuno” na ang gusto ng owner ay akitin tayong magbigay o mag-”invest” ng ating pera sa kanila at sila na raw ang bahala ay nakakatakot.  Maaari nilang itakbo ang ating perang pinaghirapan.
Marami pong manloloko ngayon dahil sabi ni Apostol Pablo sa huling araw marami ang magiging mapagmahal sa pera.  Kaya natutukso sila manloko ng kapwa dahil sa kanilang pagmamadaling yumaman nang ayaw naman magtrabaho ng may kasipagan.  Nagiging tuso ang mga taong ito kung paano kikita sa pawis at pinaghirapan ng ibang tao.  Gusto nilang pagkakitaan ang maraming taong may pera, lalo na ang mga kawawang OFW.

Karamihan (kung hindi man lahat) ng mga networking businesses ay humihingi ng “participation fee” o “application fee” o “recruitment fee” para makapasok ka kuno sa kanilang business.  Tapos, pinag-re-recruit ka pa ng maraming mga kaibigan mo para magbayad din ng “recruitment o application fee”.  Sa mga application fee na iyan, kakaltas ng porsye-porsyento ang owner, top managers at recruiter.  Kaya kumikita sila sa mga perang binabayad ng mga bagong recruit.  Yumayaman sila sa pawis o sebo ng mga kawawang bagong recruit.  Darating ang panahong wala nang ma-recruit, bigla silang mawawala, magtatago ng ilang taon, tapos babalik na naman sa ibang pangalan at manololoko na naman ng ibang tao.  Hindi mo na makukuhang muli ang mga investment at application fee mo.

Para magmukha silang legitimate business, mayroon kunwari silang produkto – it doesn’t matter what product it is, kasi hindi naman sila talaga kumikita sa benta ng produkto kundi sa kaltas sa application fee.  Ang mga produkto nila ay sobrang ang mamahal ng presyo kahit hindi naman kilala ang pangalan at wala naman silang masyadong marketing o advertisement costs.  Kaya ganyan kamahal ay dahil meron na naman silang porsyento sa benta ng bawat produkto.  Ang pilosopiya nila ay – para sila yumaman ng mabilis, dapat ay pagkakitaan nila ang maraming taong tanga; pagtatatrabahuhin nila ang maraming tao, pagbebentahin nila sila, pagre-recruit-in nila sila at sa bawat pawis ng mga taong ito na para nilang alipin, ay dapat daw kikita sila ng pera.  Sa aking palagay ay inaalihan sila ng masamang espiritu ng kasakiman, kasinungalingan at panloloko.

Lumayo tayo sa mga taong ganyan.  Magtrabaho tayo ng may excellence o kaya magnegosyo tayong tunay.  Ano ang tunay na negosyo?  Ito: may pangangailangan ang mga tao at mayroon kang produkto o serbisyo na high quality na kailangan nila at tapos magpapalit kayo – bibilhin ng customer ang produkto o serbisyo mo at magbabayad sila ng pera bilang kapalit.  Sa pamamagitan ng iyong sipag at tiyaga, pag-iimpok o disiplinang pinansyal, at excellence sa gawain, at patnubay ng Panginoon, unti-unti kang yayaman na walang nilokong tao.  “He who gathers money little by little makes it grow” (Proverbs 13:11)

Subalit kung ang isang network marketing o networking business ay hindi humihingi ng application fee o participation fee o recruitment fee at may high quality product o service na competitive at  realisitc ang price,  at sila ay nagpapasueldo sa mga manggagawa ayon sa Labor Code, iyan po ay tunay na business at maaaring tangkilikin ng mga Cristiano.

Ano ang dapat gawin ng OFW para umasenso?

Posted: February 21st, 2012 | Author: | Filed under: (01) PeraTips, (04) Savings, (06) OFW Remittance, (10) Wise Investments | 2 Comments »
“Kung kaya ng iba, bakit hindi natin kaya?” Ito ang katanungang laging bumabagabag sa akin. Kung kayang umasenso ng mga dayuhan tulad ng mga Chino, Bumbay, Koreano, Hapon, Amerkano, at iba pa sa Pilipinas, bakit hindi kaya ng mga Pilipino? Bakit kailangang mag-ibang bansa pa ang maraming Pilipino? Bakit? Sadya bang inferior race ang mga Pilipino? Hindi ko matanggap ito. Kung kaya ng ibang katutubong Pilipino tulad ni Ferdie Gedalanga na dating isang street kid o ni Cris Sabarez na dating iskwater sa Old Balara at ngayon ay kapwa matagumpay na mga negosyante at may sarili nang bahay at lupa, e bakit hindi kaya ng ibang Pilipino?

Sa aking palagay, ang problema ng maraming OFW (gayon din ng marami pang Pilipino) ay kulang sila sa tamang mindset. Sa nakikita ko, may tatlong mindset na kailangang linangin ng mga OFW sa kanilang sarili para sila magkaroon ng pag-asa sa buhay at umunlad kahit na manatili lang sila sa sarili nilang bayang Pilipinas.

Ang unang mindset ay “Stewardship” o “isip-mabuting katiwala ng Dios.” Dapat tayong maging tapat at mahusay na katiwala ng Dios sa lahat ng yaman o ari-ariang binigay niya sa atin. Kasama riyan ang ating kaperahan, kalusugan, kaisipan, pamilya, tahanan, trabaho, negosyo, atbp. Isa sa pinakamahalagang yamang tinakda ng Dios sa sangkapilipinuhan para pangasiwaan ng mabuti ay ang ating bansang Pilipinas. Sabi ni Jesus sa isa niyang talinghaga, siya ang mabuting magsasaka na naghahasik ng binhi sa kanyang lupa. Ang lupa ay ang mundo at ang binhi ay ang mga tao. Si Jesus ang naghasik sa atin dito sa bayang Pilipinas. Hindi aksidente na tayo ay mga Pilipino, lahing kayumanggi, lahing maganda. Magbibigay sulit tayo sa Dios sa paraan ng ating pangangasiwa sa mga yamang binigay niya sa atin. Sa nakikita ko, napakasama ng pangangasiwa ng maraming Pilipino sa sarili nilang bayan. Maraming mga pinunong Pilipino ay magnanakaw sa kaban ng bayan. (Mabuti na lang na ang kasalukuyang Pangulo ay mukhang matapat sa tungkulin. Kasihan nawa siya ng Dios.)

Kung sisiryosohin natin ang ating pagiging “Katiwala ng Dios” sa Pilipinas, magiging mahusay tayo sa pangangalaga at pagpapaunlad ng ating bayan. Ang lahat ng pinunong Pilipino ay dapat maging tapat sa kanilang tungkulin. Lahat ng ordinaryong mamamayan ay dapat maging masipag, malinis, maayos, at tapat magbayad ng buwis. Magtatanim sila ng maraming punong-kahoy. Hindi sila magtatapon ng basura kung saan-saan. Susunod sila sa mga batas. Lahat ng ito ay gagawin nila alang-alang sa Dios na kanilang minamahal.

Naaawa ako sa mga OFW dahil nasa ibang bansa sila, kaya ibang bansa ang pinayayaman nila. At napapabayaan nila ang kanilang sariling asawa at mga anak. Kung ganyan ng ganyan, lalong hihirap ang Pilipinas at nanganganib na mawasak ang pamilyang Pilipino. Kikita nga sila ng pera, pero nagwawala naman ang asawa nila at nasisira ang pag-uugali ng kanilang mga anak. Sa aking palagay, hindi kalooban ng Dios na magkahiwalay ang mag-asawa at mapabayaan ang mga anak. Kung lalabag tayo sa kalooban ng Dios, tiyak na may masamang ibubunga iyan. Lagot tayo.

Ang pangalawang magandang kaisipan na dapat linangin ng mga OFW ay ang “isip pag-iipon.” Huwag dapat gagastusin ng OFW ang lahat ng kanyang kita. Dapat ay mayroong ipon. Hanggat hindi nag-iipon ang OFW, ang anumang sueldo niya ay di sasapat. Hindi ang sueldo ang nagpapayaman sa tao, kundi ang ipon na nanganganak ng husto. Ang karaniwang OFW ay tulad ng isang sisidlang (container) maraming butas. Gusto sana nilang punuin ng tubig ito, ngunit lahat ng kanilang ipinapasok ay lumalabas. Subalit hindi makita ni OFW ang sanhi ng kanyang problema. Ang kanyang iniisip, “Hindi ako nakakaipon dahil masyadong maliit ang pinagmumulan ko ng tubig.” Ngunit kahit bigyan mo pa siya ng malaking pagmumulan ng tubig (kahit pa kasing laki ng subdivision water tank), hindi pa rin mapupuno ng tubig ang kanyang sisidlan sapagkat butas-butas nga. Lahat ng pumapasok ay lumalabas. Kailangan magkaroon ang OFW ng “financial discipline.”

Ang aking paniwala ay ito: Ang marunong, maraming ipon; ang mangmang, maraming utang. Dapat praktisin ng OFW ang “10:10:80 formula.” Pagdating ng kanyang sueldo, ang unang 10% ay dapat ibigay niya sa Dios para lalo siyang pagpalain. Ang ikalawang 10% ay dapat niyang ipunin at paanakin nang paanakin. Ang ipon ay kutson na sumasalo sa mga dagok ng buhay. Ang huling 80% ay para sa kanyang pang-araw-araw na gastusin. Dapat pagkasyahin niya ang kanyang lifestyle sa 80% ng kanyang kita. Ang sabi ng isang salawikain, “Kung maigsi ang kumot, matutong mamaluktot.”

Ang pangatlong magandang kaisipan na dapat linangin ng OFW ay ang “isip-entrepinoy.” Ang Pilipino ay dapat maging mahusay sa pagnenegosyo. Ang pamamasukan ay maganda rin sapagkat malinis na trabaho iyan; pero iyan ay pagdadagdag (addition) lamang ng kita, samantalang ang pagnenegosyo ay pagpaparami (multiplication). Bakit ang batang Tsino, pagka-graduate sa High School, ang unang tanong ay, “Anong negosyo ang itatayo ko?” Samantala, ang batang Pinoy, pagka-graduate sa kolehiyo, ang unang tanong ay “Saan ako hahanap ng trabaho?” Bakit? Sadya bang pang-empleyado lang ang Pinoy? Talaga bang ang mga Pilipino ay pawang alila sa sarili nilang bansa at ang mga dayuhan lang ang may karapatang yumaman at mag-ari ng ating ekonomiya? Hindi tama ito! Ang Pilipinas ay para sa lahing Pilipino!

Tatlo ang uri ng negosyo: buy and sell o pangangalakal, manufacturing o paggawa ng produko, at service o pagbenta ng serbisyo. Ang pinakasimple ay ang una – pangangalakal. Bibili ka lang ng produkto kung saan mura ang benta nito, at dadalhin mo sa lugar na wala nitong produktong ito at ibenta mo ng may tubo. Kailangan pa bang i-memorize iyan? Kailangan mo ba ng college degree para gawin iyan? Sa totoo lang, wala naman talagang dapat maghirap sa atin kung magiging masipag, matiyaga at marunong lang tayo. May kahirapang bunga ng kaapihan; subalit may kahirapang sila ang may kagagawan.

Sana maraming OFW ang tumulad na lamang sa Matalinong Babae na tinutukoy sa Kawikaan 31: 10-31. Ang babaeng ito ay napakasipag at napakatalino. Hindi siya kailangang mag-OFW para umasenso. Hindi rin niya kailangang magtrabaho sa labas ng bahay. Sa loob ng bahay ay marami siyang produktibong gawain. Mayroon siyang at least 10 home-based enterprises:

1. May buy and sell siya ng wool and flax
2. May food importing business siya
3. May real estate business siya
4. May farming business siya
5. May trading business siya
6. May garments business siya
7. May social work enterprise siya
8. May interior design at fashion business siya
9. May sash exporting business siya
10. May school business siya

Hindi kataka-takang umaasenso siya at pinupuri ng lahat.

Bilang pagtatapos, gusto ko lang idiin na hindi kailangang mag-OFW ang isang Pinoy para umasenso sa buhay. Manatili na lang tayo sa bayang binigay ng Dios sa atin. Maging mabuting Katiwala ng Dios tayo sa lahat ng yaman at ari-ariang binigay niya sa atin. Matuto tayong mag-ipon at magpaanak ng ipon. At huli, pumasok tayo sa maraming home-based businesses. Hindi pa natin mapapabayaan ang ating asawa at mga anak. Iyan ang kapuri-puri sa Dios.

Kuya Rex

[Image credits: http://jayjaylionheart.blogspot.com/2010/07/due-to-poverty-unemployment.html]

Working Mother: Empleyado o Negosyo?

Posted: January 13th, 2012 | Author: | Filed under: (01) PeraTips, (02) Liham ng Taga-pakinig, (03) Negosyo, (04) Savings | No Comments »

Mga kaibigan, kamusta na kayo? Marami-rami na ba ang ipon inyo ngayong bagong taon? Kung oo, ipagpatuloy mo ang maganda mong nasimulan, dahil siguradong malaki ang iyong magiging pakinabang.

Ngayong umaga, tunghayan natin ang liham ni Elaine, isa sa ating mga taga-pakinig, tungkol sa kanyang suliranin. Ito ang kanyang liham sa atin:

Happy New year Kuya Rex, mayroon lang po akong gustong ihingi ng payo sa inyo.
Gusto ko pong mag negosyo na lang at mag stay at home mom para po sa 3yrs old ko pong anak. Nararamdaman ko po kasi na hindi ko po naibibigay sa aking anak ang oras at panahon na dapat ibinibigay ng isang ina sa kanyang anak. At tulad nga po ng sabi sa akin ng ibang mga nanay, habang maliit ang aking anak i-treasure ko ang oras at panahon na magkasama kami dahil pag lumaki siya ay magkakaroon na siya ng sariling mundo (ngayong maliit sya ay nayayakap nahahalikan pero kapag tumanda na ito ay mahihiya na). Anim na taon na po akong nagtatrabaho sa Makati at nakakaramdam din po ako ng pagod dahil ako po ay uwian mula Bulacan. 

Ang akin pong gustong ihingi ng payo sa inyo ay mainam po ba na mag resign na lang ako at mag-alaga sa aking anak? Ang sweldo po ng aking asawa ay sapat lang sa mga bayarin (rent, bills and food). Sa totoo lang po wala din po kaming ipon. Kung mag-nenegosyo po ako ay ang backpay lang po na makukuha ko ang naiisip ko na ipang-puhunan. Sa inyo pong opinion ano po ang aking mainam na gawin. Mag-resign at mag-negosyo na lang po kasama ko pa po ang aking anak? 

Maraming salamat sa iyong pagsulat sa amin dito sa PeraTips Elaine. Pagpalain ka ng Dios.
Oo, sa aking palagay ang mabuting kalooban ng Dios ay alagaan natin ang ating mga anak sa loob ng ating tahanan.

Working Mom o Negosyante sa Bahay?
(larawan mula sa blog.greataupair.com)

Maraming mga nagtatrabaho sa opisina na babae ang nag-aakala na mas malaki ang pakinabang kung nagtatrabaho sila sa labas ng bahay.  Ito’y ay kasinungalingan ni Satanas.  Kulang pa ang kita nila sa labas para matumbasan ang malaking gastos na nalilikha at napakaraming problemang lumilitaw dahil walang magulang na nangangasiwa sa loob ng tahanan.

Hindi nila alam na maraming gastusin ang mawawala at mas maraming ipon ang magagawa kung nasa bahay ang isang magulang.  At maraming darating na problema sa anak at sa pamilya na maiiwasan kung ang isang magulang ay nasa bahay at aalagaan ang tahanan.

Ang trabahong tahanan ay seryosong trabaho.  Pinakamahalagang trabaho sa lahat!!!!   Mas mahalaga ang pangasiwaan ang sarili mong tahanan at palakihin ng tama ang sarili mong anak kaysa mamasukan at magpaka-alipin ka at payamanin mo ang ibang tao.

Basahin mo ang Proverbs 31:10 at susunod para malaman mo kung ano ang ideal plan ng Dios para sa babaeng may asawa.
Ang Kristyanong babaeng may asawa ay may napakalaking ministeryo – ang mangasiwa, ang maging manager o steward ng kanyang tahanang bigay sa kanya ng Dios – asawa, mga anak, mga katulong, mga hayop, kaperahan, mga ari-arian at mga kagamitan.  Managerial na trabaho ang gawaing bahay.

Kung babasahin mo ang huwarang babae ng Proverbs 31:10-ff, siya ay napakasipag at napakarami niyang home-based businesses – meron siyang patahian, hardin, bukirin, buy and sell, exporting ng mamahaling tela.  Meron pa siyang pre-school, foundation to help the poor, atbp.  Marami siyang ipon at marami siyang empleyado.  Naging napakayaman nila at hangang-hanga sa kanya ang kanyang asawa at mga anak.

Mas maganda talaga na magnegosyo ang babae sa kanyang tahanan.  Nasasamahan niya ang kanyang anak, at wala pa silang gastusing upa o renta kung sa bahay ang negosyo.  Masasanay pa niya ang kanyang mga anak na maging negosyante rin.  Walang sinabi ang namamasukan sa nagnenegosyo.

PeraTip Today:
“Daig ng empleyado ang walang trabaho
Ngunit daig ng may negosyo ang namamasukang tao”

Formula sa Pagtitipid: 10-10-80!

Posted: January 9th, 2012 | Author: | Filed under: (01) PeraTips, (04) Savings, (05) 10-10-80 Formula, (07) Ikapu | 1 Comment »

 

Pag dating sa iyong sweldo o income, gamitin ang formulang 10-10-80 sa paghahati-hati ng iyong pera.

10% Goes to God or anonymous giving. Bigyang papuri at pagpapasalamat ang Panginoon una sa lahat. Sigurado, pagpapalain ka pa Niya ng mas higit sa inaakala mo.

10% Goes to your savings. Manage this well para manganak nang manganak ng compounded interest.

80% Ang iyong pagkakasyahin sa iyong lifestyle o pang-araw-araw na buhay at gastusin. Don’t spend more than 80%. Sabi nga, “kung maigsi ang kumot, matuto kang mamaluktot.”

Tandaan: Sa pasingko-singko, may piso; at sa papiso-piso, may isang libo!

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...